Isasailalim ng Department of Health (DOH) sa “code white alert” ang healthcare facilities sa CALABARZON para sa nalalapit na Undas at halalan.
Sa ilalim ng “code white alert,” nasa on-call status ang mga serbisyo sa ospital simula October 28 hanggang November 5.
Ayon kay DOH Regional Director Ariel Valencia, ito ay upang maging handa sila sa mga posibleng mangyari dahil sa pagdagsa ng mga tao sa mga presinto at sementeryo, gayundin ang mga bibiyahe sa naturang panahon.
Pinaiigting aniya ng code white status ang kahandaan ng mga ospital at medical personnel na tumugon sa anumang emergency.
Nakaantabay rin sa panahong ito ang Disaster Risk Reduction Management in Health (DRRM-H) at mga ospital ng lokal na pamahalaan, maging ang Operation Center o One Hospital Command.