Pinayuhan ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga healthcare workers na nabakunahan ng AstraZeneca bilang una at ikalawang dose na magpaturok ng ibang brand bilang booster shot.
Kasabay ito ng pag-arangkada kahapon ng pagbibigay ng booster shots sa mga fully vaccinated health workers kung saan kabilang sa mga bakunang ibinibigay ay; Pfizer, AstraZeneca, Sinovac at Sputnik V.
Ayon sa NVOC, may ilang teorya at ulat na humihina ang pagtugon ng immune system ng isang indibdiwal kung nababakunahan ng AstraZeneca bilang primary series.
Dahil dito, dapat anilang Pfizer at Moderna lamang ang kanilang maging booster doses at maghintay ng anim na buwan bago ito tanggapin.
Nilinaw naman ni Dr. Edsel Salvana ng Department of Health-Technical Advisory Group na ito ay tanging pag-iingat lamang sa virus at para matiyak na ligtas ang ituturok na booster shot.
Nabatid na maaaring makapili ang health care worker kung nais nito na parehong brand o homologous o magkaibang brand o heterologous.