Mga healthcare workers, hindi pa nagbibitiw sa kabila ng delay na mga benepisyo– PCP

Tiniyak ng Philippine College of Physicians (PCP) na wala pang healthcare workers ang nagbitiw na sa kanilang trabaho.

Ito ay kasunod ng nakatakdang malawakang kilos-protesta bukas, Setyembre 1 ng mga healthcare workers para igiit ang mga benepisyong ipinangako sa kanila ng pamahalaan ngunit hindi pa rin naibibigay sa gitna ng tumitinding sitwasyon sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay PCP President Dr. Maricar Limpin, wala pa sa kanilang grupo ang umaalis dahil batid nilang sila lang ang pwedeng asahan ng mga tao.


Aniya, karamihan sa mga nurse na umaalis sa trabaho ay nasa pribadong ospital dahil sa mababang sahod.

Maliban dito, sinabi ni Limpin na marami na ring healthcare workers ang tinamaan ng COVID-19 na nagreresulta sa kakulangan ng hospital staff.

Aminado naman si Limpin na hindi sapat lang na dagdagan ang mga hospital COVID-19 beds kung kulang naman ang mga nurse na mag-aalaga sa mga pasyente.

Una nang tiniyak ng Department of Health (DOH) na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maibigay ang mga nararapat na benepisyo ng mga healthcare workers.

Facebook Comments