Mga HEIs, hindi pipilitin para mag-apply sa face-to-face classes

Tiniyak ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi pupwersahin ang mga Higher Education Institutions (HEIs) na mag-apply sa face-to-face classes para sa lahat ng degree programs.

Ito ay kasunod na rin ng pahayag ni CHED Chairperson Prospero de Vera sa briefing ng Committee on Higher and Technical Education na sisimulan sa Disyembre ang limitadong face-to-face classes sa lahat ng mga rehiyon na nasa ilalim ng Alert Level 2.

Pero paglilinaw ni De Vera, kada “phase” ang kanilang ipapatupad para sa ligtas na pagbabalik-klase sa mga HEIs.


Ayon kay De Vera, ang Phase 1 ay para sa mga campus na nasa ilalim ng Alert Level 2 na target isagawa sa Disyembre 2021 habang ang Phase 2 ay para naman sa mga campus na nasa ilalim ng Alert Level 3 na ang implementasyon naman ng face-to-face classes ay sa Enero ng 2022.

Kailangan lamang aniya na pumasa sa inspection ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) ang paghahanda tulad ng retro-fitting ng mga classroom at maitaas ang vaccination rate.

Ito rin aniya ang proposal na isinumite ng CHED sa IATF.

Patuloy naman ang townhall meetings ng CHED sa iba’t-ibang HEIs sa buong bansa upang matukoy kung sino na ang mga handa para sa limited face-to-face classes at himukin ang mga ito na mag-apply para sa inspection.

Facebook Comments