Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino na lagyan ng modernong ‘fire prevention system’ ang mga heritage sites.
Ang rekomendasyon ng senador ay kasunod ng pagkasunog ng Manila Central Post Office noong Linggo ng gabi kung saan natupok ng apoy ang lahat ng kagamitan at bahagi ng gusali.
Ayon kay Tolentino, ang aral dito ay ang mapag-alamang hindi pala equipped ng mga modernong firefighting devices ang mga ganitong heritage buildings.
Panahon na aniya na gawing bahagi ng National Building Code para sa preservation ng mga heritage sites sa buong bansa ang paglalagay ng modernong mga kagamitan na pamatay ng sunog.
Hiniling din ni Tolentino sa mga awtoridad na matapos ang sunog sa post office ay silipin na rin ng mga ito ang kasalukuyang estado ng mga heritage sites sa bansa kabilang na rito ang mga pag-aari ng ilang pribadong indibidwal.
Samantala, ikinalungkot naman ng senador ang kabiguan ng mga rumespondeng bumbero na maiwasan sana ang tuluyang pagbagsak ng halos isang siglo na neo-classical structure lalo’t ito ay nasa tabi lang ng ilog Pasig.
Giit ni Tolentino, mayroon sanang mga fireboats na pwedeng gamitin sa pagbuga ng tubig sa nasusunog na gusali kung saan gagamitan lang ito ng water pump para sa pag-apula ng apoy.