MGA HINAING NG APEKTADONG MGA RESIDENTE SA KONSTRUKSYON NG ROAD ELEVATION SA DAGUPAN CITY, PINAKINGGAN SA NAGAGANAP NA PUBLIC CONSULTATION NGAYONG ARAW

Sa ikatlong pagkakataon, pakikinggan ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang mga hinaing at saloobin ng mga apektadong residente sa kasalukuyang konstruksyon ng road elevation at drainage upgrade na pawang mga proyekto ng national agency ng DPWH partikular sa kahabaan ng AB Fernandez East at Arellano St.
Ang mga susunod na konstruksyon ng nasabing proyekto ay sa kahabaan na ng MH Del Pilar St at Perez Blvd at ayon sa dumalong kawani ng DPWH ay mayroon na umanong Notice to Proceed o sa madaling sabi ay anytime pwede na itong maumpisahan muli.
Muling nakwestyon ang ahensya sa pag-iimplementa ng naturang proyekto at pinagdiinan ng mga concerned at apektadong Dagupeños kung tunay nga bang napag-aralan ang totoong kalagayan pagdating sa mga pagkakataong nalulubog ang lungsod sa pagbaha.
Ayon sa mga miyembro ng Majority, hindi umano naisaalang-alang ang dating Flood Mitigation Reports na na naglalahad ng kumpletong detalye sa mga proyektong maaaring tumulong upang maibsan ang pagbaha. Dagdag pa ng mga ito na hindi umano kasama ang Road Elevation sa nakikitang solusyon sa problemang pagbaha.
Mga business owners, mga empleyado, at mga barangay officials ay nagpahayag ng parehong mga sentimyento na negatibo ang epekto nito sa kanilang mga kabuhayan, pag-aaral, hanapbuhay maging ang araw araw nilang pamumuhay.
Habang ang iba ay nananatiling di sang-ayon sa konstruksyon at nais itong ipatigil na kung kakailanganin umano gumawa ng kahit anong legal actions ay kanilang gagawin para lamang mapatigil ito, samantalang ang iba rin aminadong makikisabay na lang ang mga ito dahil wala rin naman daw sila magagawa bagamat hiling nila ay sapat na oras para maihanda ang kanilang gagawing hakbang kaugnay dito.
Facebook Comments