Mga hindi APOR, papayagang maghatid-sundo sa mga mga healthcare worker sa kasagsagan ng ECQ sa NCR

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar na papayagang makabiyahe ang mga hindi Authorized Persons Outside Residence o APOR sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ito ay sa kondisyon na healthcare worker lang ang kanilang susunduin.

Sinabi ni Eleazar kagabi na nakahingi siya ng guidance sa National Task Force sa pamamagitan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at pinayagan ang paghahatid ng mga non-APOR sa mga health worker.


Ito ay para makatawid sa checkpoint, kinakailangan nilang magpakita ng ID ng health worker kapag hindi nila sakay ang health worker.

Pagdating naman sa ibang workforce na APOR, sinabi ni PNP chief na ito ay case to case basis at pag-uusapan pa ngayong araw.

Una nang sinabi ng PNP na kinakailangan na APOR dapat ang mga driver para makatawid sa checkpoint.

Kasama naman ngayon sa proposal ang certification o driver pass na iisyu ng employer ng APOR o kaya naman ng barangay at police.

Facebook Comments