Inihain sa Senado ang dalawang resolusyon na layong paimbestigahan ang paglaganap ngayon ng mga hindi awtorisadong online o digital lending platforms at ang abusadong kompanya na nagpapautang.
Sa Senate Resolution 641 ni Majority Floor Leader Joel Villanueva at Senate Resolution 626 ni Senator Sherwin Gatchalian, pinasisilip sa mataas na kapulungan ang pamamayagpag ng mga hindi rehistrado at hindi awtorisadong online lending platforms na napaulat na maraming pang-aabuso.
Inilahad sa resolusyon ni Villanueva ang report ng Securities and Exchange Commission tungkol sa santambak na reklamong natanggap ukol sa online lending companies na dinadaan sa pananakot, pamamahiya at pagmumura ang paniningil ng utang.
Tinukoy naman sa resolusyon ni Gatchalian ang report noong taong 2022 kung saan 35 percent o 3.7 million ang itinaas o katumbas ng 14.22 million ang na-monitor na downloads sa digital lending platforms na nag-o-operate dito sa Pilipinas kumpara noong 2021.
Nangangahulugan na mas dumami ang mga taong umutang gamit ang online lending platforms na hindi batid ang hindi makatwirang tubo at ‘terms’ sa pagbabayad ng utang.
Nakasaaad din sa resolusyon ang mga ulat ng pangha-harass, pananakot, pagtawag sa mga kakilala at kamag-anak ng nangutang kapag hindi agad nakabayad at ang malaking interes na ipinapatong sa kanilang utang.
Iginiit ng dalawang senador na maimbestigahan sa lalong madaling panahon ang mga polisiya sa online lending apps upang mabigyang proteksyon ang mga taong napipilitang umutang sa kanila.