Hindi pipigilan ng Philippine National Police (PNP) ang mga taong hindi pa nabakunahan na lumabas sa kanilang mga tahanan.
Nilinaw ito ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar matapos ang pahayag ng pangulo na manatili na lang sa loob ng kanilang mga tahanan ang mga ayaw magpa-bakuna.
Paliwanag ni Eleazar, ang pahayag ng pangulo ay paraan niya lang para hikayatin ang lahat ng mga nagdududa pa rin sa bakuna na magpaturok na para protektado sila laban sa COVID-19.
Kaya naman panawagan ni PNP chief sa mga tumatanggi pa rin na magpabakuna na makinig sa payo ng mga health experts na epektibo ang bakuna laban sa COVID-19 kabilang ang Delta variant.
Sa ngayon, patuloy lang na ipinatutupad ng PNP ang mga takdang health protocols sa anumang estado ng community quarantine na idineklara ng Inter-Agency Task Force (IATF).