Tinitiyak ng Pasig City Government, sasagutin na nila sa pamamagitan ng Supplemental Social Amelioration Program ang lahat ng hindi nabigyan ng ayuda ngayong huling araw na ng distribusyon ng ayuda para sa unang batch ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, huwag ng magbabakasakali at manatili na lang sa kanilang mga bahay ang mga hindi nabibigyan ng tulong na wala sa listahan, dahil sasagutin na ng Pasig City Government ang lahat na hindi naayudahan ng DSWD.
Paliwanag ng alkalde, sa 250,000 na hiniling niyang mabigyan ng tulong, 93,000 lang ang naaprubahan ng DSWD kaya naman susunod na lang sila sa Guidelines ng National Government na manatili nalang sa kani-kanilang bahay.
Ang magandang balita, ang mga hindi nakapasok sa SAP, ipapasok naman sa Supplemental SAP ng Pasig.
Makatatanggap ng ₱8,000 ang mga benepisyaryo na magmumula sa trust fund ng lungsod.
Giit ng alkalde, hindi sila magiging selective at hindi kinakailangan na botante ka para makatanggap ng ayuda.
Babala naman ni Sotto, kapag magulo, ay ikakansela nito ang distribusyon kaya para sa schedule ng pamamahagi ng ayuda ay sumunod lang sa pila.