Mga hindi nagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar sa Muntinlupa City, pagmumultahin

Aprubado na ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi ang isang ordinansa na magmumulta sa mga residente nito na hindi nagsusuot ng face mask habang nasa labas ng bahay.

Nakasaad sa City Ordinance No. 2020-109 na ang sino mang lalabag ay magmumulta ng P300 para sa first offense, P500 para naman sa second offense at ang third offense ay isang libo na ang multa.

Kapag menor de edad naman ang lumabag, ang first offense ay warning lamang muna, sa second offense ay tatanggalan na ito ng scholarship grant ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa o multa ng P300 para naman sa non-grantee, at magmumulta naman ng P500 para sa third offense o para sa mga paulit-ulit na lumalabag.


Ipatutupad ang nasabing ordinansa ng Muntinlupa Police, Barangay Chairpersons at personnel, kasama ang Public Order and Security Office (POSO) ng lungsod.

Ayon kay Fresnedi, ang pagpapatupad ng ordinansa ay upang mapigilan ang pagkalat pa ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) sa kaniyang lungsod.

Sa kasalukuyan, ang Muntinlupa City ay mayroon nang 1,286 confirmed cases ng COVID-19, kung saan 570 rito ay mga nakarecover at 73 naman ang mga nasawi.

Facebook Comments