Sasagutin na ng Pasig City Government ang pagbibigay ng Social Amelioration program sa mga hindi mapapasama sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Vice Mayor Iyo Christian Bernardo, gagawin nila ito upang maabutan din ng tulong ang mga pamilyang hindi napasama sa rekord ng DSWD.
Paliwanag ni Bernardo, kukunin ang pondo sa Supplemental Budget ng pamahalaang lungsod kung saan ito ay manggagaling sa mga proyektong hindi naisakatuparan dahil sa banta ng COVID Pandemic.
Tatanggap ng walong libong piso (PHP 8,000 pesos) ang mga taga-Pasig mula sa City Hall at ito ay sisimulan agad sa lalong madaling panahon.
Dalawang beses tatanggap ng 4,000 pesos ang mga taga-Pasig mula sa pamahalaang lungsod.
Una ng nakapagbigay ng 400,000 food packs ang City Government sa dalawang wave para sa mga residente.
Mayroon ding natanggap na 400 pesos na allowance ang mga estudyante sa pamamagitan ng coupon at maaaring ibili sa palengke ng Pasig at mga Accredited Talipapa.