Dumagsa ngayong araw sa mga vaccination site ang mga residenteng naghahabol magpabakuna kontra COVID-19.
Ilang araw ito bago ang implementasyon ng “no vaccination, no ride” policy sa Metro Manila sa Lunes, January 17.
Alas-6:00 pa lamang kaninang umaga ay mabaha na ang pila ng mga sasakyan sa drive thru vaccination sa Quirino Grandstand sa Maynila.
May mga jeep din na pumila sa drive thru sakay ang mga hinakot nitong kapitbahay para magpaturok.
Katunayan, ginawa nang 24/7 ang nasabing bakunahan para hindi masayang ang punta ng mga nais magpabakuna maski hindi residente ng Maynila.
Samantala, marami rin ang naghabol na makapagpabakuna sa Quezon City Memorial Circle.
Pwede na rin ang walk-in kahit na hindi taga-Quezon City habang dapat na rehistradong residente ng lungsod ang mga magpapaturok ng first at second dose.