Mga hindi pa nababayarang obligasyon ng Manila LGU, ikinabahala ni incoming Mayor Isko Moreno

Inihayag ni incoming Manila Mayor Isko Moreno na nakarating sa kaniya ang mga ulat na may mga utang o hindi pa nababayarang obligasyon ang kasalukuyang administrasyon ng lokal na pamahalaan.

Sa isang panayam kay Yorme, tinatayang aabot sa ₱8-11 billion ang commercial obligation ng Manila City Hall na hindi pa rin nababayaran.

Ang mga commercial obligations na ito ay kinabibilangan ng office supplies, kontrata sa basura, medical supplies, gamot, kuryente, tubig, manpower services at iba pa.

Iginiit ng nagbabalik na alkalde, mayroong mga Certificate of Availability Funds o nakalaang pondo para dito pero hindi napunta ang pera sa dapat bayaran na obligasyon ng lungsod.

Aniya, kung totoo ang mga unpaid debts na ito, malinaw na senyales ng malalang kapabayaan ng mga responsibilidad ang ginawa ng mga nakaupo sa Manila City Hall.

Una nang ipinadala ni Yorme ang kaniyang transition team sa Manila City Hall para mangalap ng mga kakailanganing dokumento para sa maayos na pagsasalin ng liderato kung saan nangako siya na aayusin ang mga isyung ito nang may transparency at accountability.

Facebook Comments