Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at barangay officials na huwag palabasin ng bahay o pauuwin ang mga taong hindi pa nagpapabakuna laban sa COVID-19.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi dapat lumalabas ng bahay ang mga wala pang bakuna.
Itinuturing pa ng pangulo ang mga ito na “walking spreader” dahil sila ang nagpapakalat ng virus sa kung saan-saan.
“Itong ayaw magpabakuna, sinasabi ko sa inyo, ‘wag kayong lumabas ng bahay… You’ll be escorted back to your house because you are a walking spreader,” sabi ng pangulo.
“It behooves upon really the barangay captains.. to go around to see who are vaccinated and who are not, and to give the appropriate warning that they should not be going around because they are throwing viruses left and right,” dagdag pa ni Pangulong Duterte.
“Pag ayaw nilang magpabakuna, ‘wag mo silang palabasin ng bahay. Ganoon ang ano niyan. Wala tayo, defenseless tayo, eh,” dagdag pa ng pangulo.
Iginiit ng pangulo na ginagawa lamang niya ito para sagipin ang bansa mula sa matinding epekto ng pandemya.
Dagdag pa niya, walang batas na magpaparusa sa mga taong ayaw magpabakuna at hindi na niya itong hintayin lalo na at matindi ang sitwasyon.
Para naman sa mga nakapagbakuna na, sinabi ni Pangulong Duterte na maaari silang lumabas ng kanilang mga bahay.
Ipinag-utos din ni Pangulong Duterte sa mga local government units (LGUs) na ilaan ang COVID-19 vaccines sa mga taong gusto nang magpabakuna.