Mga hindi rehistradong bakuna, patuloy na iimbestigahan ng NBI

Patuloy na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga hindi rehistradong COVID-19 vaccine kahit binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng approval para sa compassion use ng Sinopharm vaccine para sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Matatandaang ibinunyag ni PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III na may ilang miyembro ng PSG ang nabakunahan na ng COVID-19.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi ihihinto ang imbestigasyon sa ilegal na pag-aangkat, pagbili at paggamit ng hindi rehistradong COVID-19 vaccines.


Paliwanag naman ni FDA Director General Eric Domingo, nag-apply ang PSG para sa compassionate use special permit para sa Sinopharm.

Ang PSG Hospital ang magiging responsable para sa mga bakuna at magbibigay ng report sa FDA sa paggamit ng mga bakuna.

Paglilinaw naman ng FDA na ang pag-iisyu ng compassionate use ng Sinopharm vaccine ay hindi inaabswelto ang PSG sa posibleng pananagutan nito sa kanilang paggamit ng hindi rehistradong bakuna.

Facebook Comments