Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang panukala na sapilitang magoobliga sa lahat ng public at private educational institutions at lahat ng mga negosyo sa bansa na makiisa sa nationwide earthquake at emergency preparedness drill.
Sa viva voce voting ay nakalusot sa second reading ang House Bill 9806 o Mandatory Nationwide Simultaneous Earthquake and Emergency Preparedness Drill Act.
Sa ilalim ng panukalang batas ay mahaharap sa parusa ang mga walang maibigay na sapat na dahilan para hindi makilahok sa nationwide simultaneous earthquake at emergency preparedness drills.
Sa unang paglabag ay makakatanggap muna ng warning, P5,000 na multa naman sa ikalawa at P10,000 multa at isang buwang pagkakakulong naman sa ikatlong paglabag.
Sa mga susunod na paglabag o higit pa ay mahaharap na sa mas mabigat na parusa na P30,000 na multa, isang buwang kulong at kanselasyon ng business permit.
Sakop din ng panukalang ito ang mga pasilidad na humahawak, nagiingat at nagbibiyahe ng mga hazardous materials.
Obligado ang lahat ng mga educational institutions at mga establisyimento na lumikha ng emergency preparedness protocols at magsagawa ng quarterly earthquake at emergency drill sa pakikipagugnayan sa Office of Civil Defense, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Local Government Units (LGUs).