Isinapormal na ng Department of Justice (DOJ) ang direktiba nito sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga indibidwal o grupo na nag-iipit at nagmamanipula ng presyo ng karneng baboy at iba pang basic food products.
Sa Department Order (DO) No. 029, inatasan ni Guevarra ang NBi na magsagawa ng imbestigasyon at case-build up para sa mga posibleng paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act at Republic Act 3815 o Revised Penal Code.
Kabilang sa kanyang direktiba na habulin ang mga grupong nagmamanipula ng supply at presyo ng baboy at iba pang pagkain at sampahan sila ng kaukulang kaso.
Pinasusumite rin ng DOJ ang NBI ng report hinggil sa progreso ng imbestigasyon.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng sub-task group on economic intelligence na inirekomenda ng Department of Agriculture (DA).