Kinalampag ng Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) ang pamahalaan na magbigay ng ayuda sa mga hog raiser na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay PPFP Vice President Nicanor Briones, kailangan magbigay ang gobyerno ng P10,000 tulong pinansyal sa mga apektado at posibleng kunin ito sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF).
Paliwanag pa ni Briones, kapag hindi tinulungan ng pamahalaan ang mga hog raisers ay posibleng kahit ang mga alaga nila na tinamaan ng ASF ay mailabas at ma-ibenta pa rin.
Maaari aniya ito maging resulta ng higit pang pagkalat ng nasabing sakit.
Binigyang-diin pa ni Briones na hindi naging matagumpay ang pagsugpo ng gobyerno kontra ASF dahil isa ang Iloilo sa mga tinamaan nito na pinakamalaking producer ng baboy.
Matatandaang, limang bayan sa lalawigan ng Iloilo ang apektado ngayon ng ASF at mahigit isang libong baboy na ang na-culled.