Binigyan ng Department of Agriculture (DA) ng ₱20-M marketing assistance ang mga nag-aalaga ng baboy at sa mga nagtatanim ng gulay sa Ilocos Region.
Ayon kay DA Agribusiness Marketing Assistance Division (DA-AMAD) Chief Wilhelmina Castañeda, ang ₱10 milyon sa kabuuang alokasyon ay mapupunta sa processing operation ng Kadiwa ni Ani at Kita Meat Processing Plant ng National Tobacco Administration sa Narvacan, Ilocos Sur.
Isa ito sa magsu-suplay ng kinakailangang karne ng baboy at meat products sa NCR.
Ang natitirang ₱10 milyon ay ilalaan naman sa pagbili ng pinakbet vegetables sa mga farmer producers sa apat na probinsiya gamit ang prevailing price sa mga pamilihan.
Para mabawasan din ang gastos sa logistics sa paglilipat ng agricultural commodities, aakuin na ng DA-AMAD ang transportasyon papuntang Metro Manila gamit ang delivery trucks nito.