Mga hog raisers, hinimok ng DA na ipa-insured ang mga alaga nilang baboy

Photo Courtesy: Department of Agriculture

Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng backyard at commercial hog raisers na kumuha ng insurance packages para matiyak na may mapagkukunan ng pondo na gagamitin sa pagbangon oras na maapektuhan ang babuyan ng African Swine Fever (ASF).

Ayon sa DA, bagama’t may ayudang hatid ang ahensiya sa mga hog raiser kapag naapektuhan ang kanilang kabuhayan, mas mainam na magkaroon pa rin daw ang mga ito ng insurance coverage para agad makabalik sa negosyo.

Dapat anyang samantalahin ng mga hog raiser ang libreng livestock insurance na ipinagkakaloob sa kanila ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).


Ang PCIC ay nagkakaloob ng ₱10,000 insurance cover kada ulo ng baboy na may premium payment na ₱225.

Ang maliliit na backyard hog raisers ay binibigyan ng libreng insurance kapag sila ay nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Ang insurance coverage ay iba sa ASF indemnification claims na ang mga benepisyaryo ay eligible para sa ₱5,000 assistance sa kada baboy na isinailalim sa culling.

Facebook Comments