Nagsimula nang tumanggap ng aplikasyon online ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng Department of Agriculture (DA) mula sa mga hog raisers na gustong kumuha ng livestocks insurance.
Ayon kay PCIC President Jovy Bernabe, kailangan lang nilang mag-access sa DA-PCIC website o bisitahin ang mga regional at provincial extension offices at service desks.
Tugon ito ng PCIC sa malawakang kampanya ng DA na masigurong maprotektahan ang mga hog raisers sa African Swine Fever (ASF).
Paliwanag ni Bernabe, nahati sa dalawang kategorya ang pagbabayad ng premiums. Una, ang karampatang premium na 2.25% ng P10,000 o P225 kada baboy. Pangalawa, libre ito para sa mga hog raisers na kabilang sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Magbabayad ang PCIC ng P10,000 kada piraso ng baboy sa mga apektadong hog raisers.
Nilinaw pa ni Bernabe na magkaiba ang insurance coverage na ito sa ASF Indentification Program na ipinatutupad ng DA Livestock Program.