Mga holiday na tatapat ng weekend, isinusulong na gunitain sa araw ng Lunes

Itinutulak ni Senator Raffy Tulfo ang pag-amyenda sa Holiday Economics Law na layong mas palakasin ang domestic tourism ng bansa at maisulong ang work-life balance ng mga empleyado at mga estudyante.

Sa Senate Bill 1651 ay pina-a-amyendahan ang Republic Act No. 9492 kung saan ang mga holiday na papatak sa araw ng Sabado o Linggo ay maaaring gunitain sa darating na Lunes.

Batay sa panukala, ang dagdag na ‘long weekends’ ay malaking tulong para makabawas sa nararamdamang stress at burnout gayundin ang pagsusulong ng ‘work-life balance’ para sa mga manggagawa at mga mag-aaral.


Makakatulong din ang panukala sa pagpapalakas ng domestic tourism sa bansa dahil mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makapamasyal at makapagpahinga.

Para sa mga pwedeng ilipat na araw ng holiday, hinihiling ng panukala kay Pangulong Bongbong Marcos na maglabas ito ng proklamasyon sa unang Lunes ng Disyembre para sa mga partikular na petsa na idedeklarang ‘non-working day’ ng susunod na taon.

Ang Pilipinas ay mayroong 18 national holidays na ginugunita kada taon kung saan apat dito ay ikinokonsiderang ‘special non-working holidays’ at kung minsan ang mga holiday na ito ay tumatapat ng weekend.

Facebook Comments