Mga hospital worker, umaapela sa DOH na ibigay na ang kanilang health emergency allowance

Nananawagan ang grupo ng mga health worker na ilabas na ng Department of Health (DOH) ang kabayaran sa kanilang health emergency allowance (HEA).

Ayon kay Ronald Richie Ignacio, tagapagsalita ng United Private Hospital Unions of the Philippines o UPHUP, iniipit ng DOH ang pondo na nasa kanilang tanggapan na mula pa noong nakalipas na buwan ng Enero.

Batay aniya sa mga dokumento at datos mula sa Department of Budget and Management (DBM), mahigit ₱91 billion na ang nailabas na pondo sa DOH para mabayaran ang HEA ng mga healthcare worker.


Sabi ni Ignacio, naglabas ang DBM ng ₱12.1 bilyong piso para mabayaran ang HEA noong 2021, mahigit ₱28 bilyon noong 2022, ₱31.1 billion noong 2023, at Php19.962 billion naman ngayong 2024.

Ang huling ₱19 bilyon ay inilabas ng DBM sa DOH noong Enero 1, 2024, maliban pa sa ₱2 bilyong nakalagak para sa HEA sa unprogrammed appropriations.

Nakakalungkot aniya na sa kabila ng nailabas na ang pondo ay ₱64 bilyon pa lamang ang naipamimigay ng DOH sa mga health worker.

Nahihirapan din aniya ang DBM na ma-compute ang kabuuang kakulangan sa pondo para sa HEA sapagkat bigong magsumite ang DOH ng detalyadong report at accounting kung ilang tao na ang kanilang nabayaran.

Facebook Comments