Mga hotel at iba pang negosyo sa paligid ng Manila Bay, siguradong dadagsain ng mga turista – Manila City LGU

Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na daragsa ang mga turista at malaki ang kikitain ng mga hotel maging ng ibang negosyo sa paligid ng tinaguriang “white sand beach” sa Manila Bay.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ikinumpara niya ang Manila Bay white sand sa Marina Bay Sands sa bansang Singapore at kahit hindi pa ito pormal na binubuksan sa publiko ay pinupuntahan na ito ng mga turista basta’t susunod lamang sila sa ipinatutupad na health protocols.

Ibinahagi pa ng Alkalde ang iminumungkahing disenyo ng pamahalaang lungsod na “the Manila sunrays” para sa lalong ikagaganda ng lugar ng Manila Bay kung saan magiging panibagong atrasksyon ito sa Maynila.


Bilang bahagi ng Manila Bay rehabilitation program, naglatag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 500 tonelada ng “crushed dolomites” sa maliit na bahagi ng baybayin ng Manila Bay upang mapaganda ito.

Sa kabila ng mga kritisismo na ibinabato sa tinaguriang Manila Bay white sand, ikinatuwa naman at binati ni Pangulong Rodrigo Duterte si DENR Sec. Roy Cimatu dahil sa ginawa nitong pagpapaganda sa Manila Bay.

Facebook Comments