Mga hotel na lumalabag sa mga health at quarantine protocols ng bansa, sinisilip na ng DOT

Sinisilip na rin ng Department of Tourism (DOT) ang iba pang mga hotel na lumalabag sa mga health at quarantine protocols ng bansa.

Ito ay matapos ang pagtanggap ng mga staycation guest ng City Garden Grand Hotel sa Makati kung saan natagpuang patay ang flight attendant na si Christine Dacera noong Enero 1.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, may iba pa silang mga hotel na iniimbestigahan at naghain na rin ng show cause order sa ibang establisimyento dahil sa paglabag sa protocols.


Hindi aniya nagkulang ang ahensiya sa pagpapaalala na bawal pagsamahin sa isang pasilidad ang mga staycation guest at mga nagka-quarantine.

Tiniyak naman ni Puyat, na maghihigpit na rin sila ngayon lalo’t may bagong variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Una nang tinanggal ng DOT ang certificate to operate ng City Garden Grand Hotel habang may quarantine at sinuspinde nang anim na buwan ang accreditation nito.

Facebook Comments