Mga huhulihing quarantine violators ng PNP, papauwiin din

Pauuwiin din ang mga naaresto at aarestuhing mga lumabag sa health protocols.

Ito ang bilin ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa lahat ng kanyang mga tauhan kasabay ng pagpapatupad ng utos ng Pangulo na arestuhin ang mga hindi naka-face mask o hindi tamang magsuot nito.

Ayon sa PNP Chief, pagkatapos arestuhin batay sa mga umiiral na lokal na ordinansa o batas, ang mga violators ay dadalhin sa istasyon ng pulis para imbestigahan at sunod ay papatawan ng nararapat na parusa.


Depende aniya sa violation kung sila ay bibigyan ng ticket, pagmumultahin, i-schedule para sa community service, o kakasuhan, ngunit ang malinaw ay hindi ikukulong ang mga ito at pauuwin lang din pagkatapos.

Bilin pa ng PNP Chief sa kanyang mga tauhan na bago arestuhin ang isang indibidwal dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, dapat bigyan muna ng mga pulis ng face mask ang mga ito.

 

Facebook Comments