Kinumpirma ni Manila Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Virgilio Macaraig na epektibo ngayong araw June 18 hanggang sa June 30, 2020, lahat ng RTC Judges at court personnel na naka-station sa Manila City Hall ay sasailalim sa self-quarantine.
Ito ay matapos na magkaroon ng contact ang dalawang court employees sa kamag-anak nitong nagpositibo sa COVID-19.
Pinauubaya naman sa mga hukom ang desisyon kung sila ay dadalo sa court hearings ngayon.
Pinapayuhan din ang lahat ng mga huwes at court employees na iwasan muna ang contact sa publiko habang isinasagawa ang contact tracing sa kanilang mga nakasalamuha sa nakalipas na dalawang linggo.
Pinapayuhan naman ang naturang mga hukom at court employees na agad na makipag-ugnayan sa kanilang barangay health worker kapag sila ay nakaramdam ng sintomas ng COVID-19.
Ang mga apektadong sala naman ay pinapayuhan na magsagawa ng pagdinig via video conferencing habang ang pleadings at mosyon ay maaaring isumite sa pamamagitan ng electronic.
Nakatakda namang magsagawa ng disinfection ang Manila City government sa buong court premises.