Inihayag ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 84 porsyento o high risk ang utilization rate o okupadong mga Intensive Care Unit o ICU sa Metro Manila, sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Spokesperson Maria Rosario Vergeire, batay pa sa pinakahuling datos ng DOH ay umakyat na sa 73 porsyento o high risk din ang ICU utilization rate sa Cordillera Administrative Region (CAR); 88 porsyento o nasa critical risk sa Region 2; 87 porsyento o nasa critical risk din sa Region 3; at 83 porsyento o nasa high risk sa Region 4-A.
Paliwanag ni Vergeire na pagdating sa Healthcare Utilization Rate (HCUR) sa iba’t ibang rehiyon ay naitala ang 67 porsyento o moderate risk sa National Capital Region.
Habang sa CAR naman ay pumalo na sa 76 porsyento o high risk; Region 2, 80 porsyento o high risk; Region 3, 61 percent o moderate risk; at Region 4-A, 70 percent o high risk.
Ang Healtcare Utilization Rate ay kaugnay sa occupancy o pagkagamit sa mga ward, isolation, dedicated beds at iba pang equipment para sa COVID-19.
Dagdag pa ni Vergeire na kailangan na mag-ingat sa interpretasyon ng HCUR kung saan gaya umano ng binabanggit noon ng DOH, na nagkahalo na ito dahil lahat ng lebel ng ospital ay kasama na rito.
Mayroon ding kailangang pag-isipang factors na makakaapekto sa HCUR, upang maging malinaw umano ito at madaling mauunawaan ng lahat.