Tatlong magkakasunod na operasyon ang isinagawa sa iba’t ibang bayan ng La Union bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal at smuggled na sigarilyo.
Sa Pugo, La Union, nagsagawa ng joint operation ang Pugo MPS katuwang ang Police Regional Office 1 at mga tauhan ng BIR-La Union. Nakumpiska ang iba’t ibang brand ng sigarilyo na may kabuuang tinatayang halaga na ₱23,760.00. Ang mga nasamsam na produkto ay isinailalim sa kustodiya ng BIR Region 1 para sa kaukulang disposisyon.
Sumunod na isinagawa ang operasyon sa Rosario, La Union ng Rosario MPS kasama ang iba pang unit ng pulisya at BIR Calasiao, Pangasinan. Bagama’t walang nakumpiskang smuggled cigarettes, nag-isyu ang BIR ng citation ticket sa isang tindahan dahil sa kabiguang magparehistro at kumuha ng kinakailangang permit.
Samantala, sa Santo Tomas, La Union, nakumpiska rin ang iba’t ibang brand ng sigarilyo na may kabuuang tinatayang halaga na ₱9,720.00 sa isinagawang operasyon ng pulisya at BIR sa pamumuno ng Regional Investigation Division.
Patuloy naman ang koordinasyon ng pulisya at BIR sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na mga sigarilyo upang maprotektahan at masiguro ang patas na kalakalan sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










