Tinalakay sa ikatlong araw ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga iligal na aktibidad na iniuugnay kay suspended Cong. Arnolfo Teves Jr.
Matatandaang kahapon ay inisa-isa ang mga kaso ng pagpaslang sa Negros Oriental kung saan humarap ang ilang pamilya ng mga biktima ng pagpatay at ang itinuturo rin sa mga krimeng ito ay si Teves.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado patungkol sa karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, humarap si Atty. Rennan Oliva, ang Regional Director ng National Bureau of Investigation sa Cebu City.
Isinalaysay ni Atty. Oliva ang ikinasang operasyon noong September 16, 2022 sa bisa ng search warrant laban sa iligal na e-sabong sa Barangay Calajo-an Minglanilla Cebu kung saan naaresto ang 37 empleyado at huli sa akto ang ginagawang livestreaming ng e-sabong.
Matapos ang operasyon, September 20, 2022 ng hapon ay personal siyang pinuntahan ni Teves sa kanyang opisina at nagbanta ito na kakasuhan ang kanyang mga tauhan sa pagnanakaw ng P7 million doon sa sabungan at kung ititigil ni Oliva ang operasyon laban sa mga e-sabong sa lalawigan sa Negros at Cebu ay hindi niya ito kakasuhan.
Dagdag pa ni Oliva, tinawanan at hinamon niya si Cong. Teves na sampahan na lamang sila ng kaso at haharapin nila ito.
Nagtaka na lamang din ang NBI na biglang nabasura ang inihaing kaso sa korte sa kanilang ginawang raid laban sa e-sabong at sa halip ay sila pa ang nasampahan ng asunto at may alegasyon pa na nagnakaw sila ng P10 million mula sa unang P7 million na banta sa kanya ni Cong. Teves.
Nangako naman si Public Order Committee Chair Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hahanapan ng paraan ng kanyang komite na matigil ang ganitong sistema ng ‘culture of impunity’ at ‘reign of terror’ mula sa mga politikong gumagawa ng karahasan at maging ang korte ay kontrolado nila.