*Cauayan City, Isabela- *Narekober ng mga otoridad ang ilang iligal na pinutol na kahoy sa magkahiwalay na anti-illegal logging operation sa bayan ng Cabarroguis at Nagtipunan sa lalawigan ng Quirino.
Sa ipinarating na ulat ni P/Maj.Edgar Pattaui, Hepe ng PNP Cabarroguis ay umaabot sa mahigit 500 board feet na nilagaring kahoy ang kanilang narekober na abandonado sa Barangay Caloocan, Cabarroguis, Quirino.
Samantala, sa Purok #7, Barangay Ponggo ng bayan ng Nagtipunan ay umaabot naman sa mahigit 300 board feet ng kahoy ang narekober ng mga otoridad.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Dominic Rosario, Acting Chief of Police ng Nagtipunan ay abandonado rin ang kanilang narekober na mga illegal na nilagaring common lumber.
Ang mga narekober na pinutol na kahoy ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.