Mga illegal vendors sa QC, hinikayat na sumali sa Fresh Market on Wheels program habang umiiral ang ECQ

Pinakikiusapan ng Quezon City Government ang mga vendors na sumama sa Fresh Market on Wheels program ng Pamahalaang Lungsod upang legal na maibenta ang kanilang mga kalakal sa iba’t ibang barangay.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang Fresh Market on Wheels na inisyatibo ng QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office ay pinapayagan sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Bahagi ng Fresh Market on Wheels ang inilunsad na “Buy, Gulay Online” na maaari nang magorder ng bulto-bultong gulay, makipag ungayan lamang sa Barangay at Home Owners Associations.


Ang pakiusap ay ginawa ng City Gov’t matapos arestuhin ng pulisya ang 19 na magtitinda sa Elliptical at Maharlika St. noong sabado ng gabi.

Sa panig ng Quezon City Police District, ang ginawa ng mga vendors ay malinaw na paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at City Ordinance 1364 o illegal street vending.

Base sa ulat, pinalaya na ng pulisya ang mga nahuling vendors sa pangakong hindi na nila uulitin ang kanilang ginawa.

Facebook Comments