Mga imported na produktong papasok sa bansa, dadaan na sa electronic invoicing system

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang digital at integrated pre-border technical verification at cross-border electronic invoicing sa lahat ng mga imported na produktong papasok sa bansa.

Ang kautusan ay partikular na ipatutupad sa mga produktong agrikultura, non-agricultural goods na may health at safety issues, at ibang produkto na may misdeclaration para makaiwas sa bayarin at mga buwis.

Sa Administrative Order No. 23, nakasaad na ang kautusan ay para sa mas mabilis na pag-inspeksyon ng imported commodities at epektibong mamonitor ang international trade transactions.


Layunin din ng kautusan na tiyaking hindi makalusot ang mga substandard at delikadong imported na produkto sa bansa, at mapalakas ang pambansang seguridad at mabantayan ang karapatan ng mga consumer.

Kaugnay nito, itatatag ang committee for pre-border technical verification and cross- border electronic invoicing na pamumunuan ng Secretary of Finance at habang miyembro naman ang mga kalihim ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Energy, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Information and Communications Technology.

Facebook Comments