Manila, Philippines – Umapela si Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol sa mga importer na huwag munang mag-angkat ng baboy mula sa mga high risk country o mga kalapit ng mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Piñol, sakaling mapatunayang nagkaroon ng pagbenta ng karneng baboy at pork-based products mula sa bansang may ASF, kukumpiskahin nila ito at mananagot ang importer at nalusutang Bureau of Animal Industry (BAI).
Kabilang sa mga bansang apektado ng ASF ang China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa at Zambia.
Nauna nang sinabi ng Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG) na bagaman hindi nakahahawa sa tao ang karneng may ASF, maaaring ikamatay ng maraming baboy sa bansa ang sakit at ikalugi ng industriya.
Ipinagbawal na rin noong Setyembre ng DA ang pag-angkat ng mga karneng baboy at processed pork products mula sa mga bansang may ASF.
Pero sa kabila ng importation ban, sinabi ni SINAG Chairman Rosendo So na naka-monitor sila sa higit isang milyong kilong karneng baboy mula Belgium na nakapasok sa bansa noong Oktubre at Nobyembre.
Pero paliwanang ng BAI, walang naging paglabag ang pagpasok ng mga karne mula Belgium dahil papunta na ng Pilipinas ang kargamento bago pa ilabas ang dokumento sa importation ban.