Mga inaresto sa panggugulo sa September 21 protest, posibleng isalang na sa inquest proceedings

Inaasahang isasailalim na ngayong araw sa inquest proceedings ang mga inaresto dahil sa panggugulo sa gitna ng rally sa Maynila noong September 21.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Spokesperson Police Major Philipp Ines, aalamin kung anong kaso ang isasampa sakaling mapatunayang sangkot ang mga ito sa gulo.

Nasa 216 ang inaresto matapos ang pambabato, pagsira ng mga kagamitan, at pananakit sa ilang miyembro ng kapulisan sa gitna ng kilos-protesta.

Sa mga ito, 192 ang kakasuhan ng paglabag sa Public Assembly Act, illegal assembly, assault against a person in authority, at resistance and disobedience.

Maaari rin silang maharap sa dagdag na kaso gaya ng malicious mischief, arson, physical injuries, at inciting to sedition.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, aabot sa halos ₱692,000 ang halaga ng nasirang kagamitan, partikular ang traffic signal, habang nagpapatuloy ang assessment sa iba pang nasira ng mga nagprotesta.

Facebook Comments