Mga inatake sa puso, na-stroke at kaso ng asthma, nadagdagan hanggang bisperas ng Pasko; 2 nasawi — DOH

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mga karagdagang kaso ng non-communicable diseases (NCDs) hanggang ngayong bisperas ng Pasko.

Ayon sa DOH, mula December 21 hanggang ngayong umaga, may 18 bagong kaso ng mga pasyenteng inatake sa puso, na-stroke at tinamaan ng asthma.

Batay sa datos ng ahensya, 14 sa 25 kaso ng atake sa puso ay mga pasyenteng edad 60 pataas.

Samantala, 15 sa 45 kaso ng acute stroke ay kabilang din sa parehong age group, habang may siyam na kaso ng asthma o hika, kung saan apat dito ay siyam na taong gulang pababa.

Dalawa naman ang nasawi sa mga naturang kaso — isa dahil sa stroke at isa sa atake sa puso.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ang bilang ng mga naitalang kaso kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.

Dagdag pa ng ahensya, kabilang sa Ligtas Christmas Campaign ang patuloy na pagmomonitor sa mga pasyenteng may ganitong kondisyon.

Facebook Comments