Siyam na porsiyento na lang ng target na 70% population ng National Capital Region (NCR) ang hindi pa kumpleto sa bakuna.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, 91% o mahigit 9.8 milyong residente na ng NCR ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Kapag nabakunahan na lahat ay posibleng luwagan pang lalo ang mga restriksyon sa Metro Manila gayundin ang mga patakaran sa pagsasagawa ng face-to-face learning.
Aminado naman si Cabotaje na may mga taong ayaw pa rin talaga magpabakuna.
Aniya, may ilan kasi na hindi naniniwala sa kahit anong uri ng bakuna habang ang iba ay naiimpluwensyahan ng mga kumakalat na fake news sa social media.
Dahil dito, mas tututukan na lamang aniya ng kagawaran ang patuloy na panghihikayat sa mga taong nag-iisip pa kung magpapabakuna o hindi.