Inihayag ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Andre Dizon na hahanapan nila ng pansamantalang malilipatan ang mga informal settlers na nagkalat sa loob ng Manila North Cemetery.
Ito’y bilang parte ng ginagawa nilang paghahanda sa nalalapit na Undas 2022.
Ayon kay Gen. Dizon, pinag-aaralan na nila ang maaaring solusyon upang hindi makasagabal ang mga informal settlers sa muling pagdagsa ng publiko sa Manila North Cemetery.
Bukod dito, ang mga nagbabantay at nakatira sa loob ng nabanggit na sementeryo ay pinapaalalahanan na huwag ng maging pasaway at sumunod sa inilalabas na abiso ng mga awtoridad.
Kaugnay nito, nasa halos 1,000 pulis ang idineploy ng MPD, ilang linggo bago ang Undas bukod pa sa mga force multipliers.
Nag-iikot na rin ang ilang mga tauhan ng MPD sa lahat ng sementeryo sa lungsod ng Maynila para masiguro ang seguridad.
Maging ang Manila South Cemetery na nasa lungsod ng Makati ay mino-monitor din ng MPD sa pagdagsa ng mga nais maglinis ng puntod ng kanilang mga yumao.
Pinapayuhan naman ang publiko na magtutungo sa mga sementeryo na mag-ingat sa mga mandurukot, holdap at mga manlololoko kung saan agad na i-report sa MPD sakaling may mga ganitong uri ng insidente.