Manila, Philippines – Nagdesisyon ang senate ethics committee na isantabi muna ang mga reklamong inihain ni dating customs Commissioner Nicanor Faeldon laban kina Senators Panfilo Ping Lacson at Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Committee Chairman Senator Tito Sotto iii, hindi nila tatalakayin ang mga isinampang ethics complaint ni Faeldon hangga’t hindi ito muling humaharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Diin ni Senator Sotto, hindi naman nirerespeto ni Faeldon ang Senado kaya bakit nila irerespeto ang mga inihain nitong reklamo.
Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, walang karapatan si Faeldon na hilingin sa Senado na disiplinahin ang mga miyembro nila kung hindi naman sinusunod ni Faeldon ang kanilang mga proseso katulad ng pagsasagawa ng imbestigasyon in aid of legislation.
Si Faeldon ay nananatili sa detention facility ng Senado dahil sa pagtanggi nito na muling humarap sa Senate hearing kaugnay sa mga anomalya sa Bureau of Customs tulad ng tara system at drug smuggling.