Manila, Philippines – Tiniyak ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na dadaan sa berepikasyon ang mga paratang si Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy.
Ayon kay IBP President Atty. Abdiel Fajardo, mahalagang mapatunayan muna ang identity ng isang tao at kung anong mga ebidensya ang hawak nito para sa partikular na rason ng kaniyang paglantad.
Matatandaang naging kontrobersyal ang video ni Bikoy dahil sa pagdawit sa mga kaanak at mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng iligal na droga.
Kaugnay nito, giniit naman ni Senator Panfilo Lacson sa IBP na pag-aralan munang mabuti ang mga akusasyon ni alyas Bikoy lalo at hindi pa nila nai-evaluate ang mga ibinunyag nito.
Paalala pa ni Lacson sa IBP, maging patas sa lahat ng humihingi ng legal assistance para hindi ito maakusahan ng pagkakaroon ng kinikilingan sa pulitika na posibleng makasira sa kanilang kredibilidad.