Manila, Philippines – Hamon ngayon sa Philippine National Police kung paano masusundan o makukumpirma ang mga inihayag na impormasyon ng Armed Forces of the Philippines kaugnay sa mga responsable sa naganap na twin bombing sa Jolo, Sulu.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac, nahihihirapan sila ngayon na makahanap ng mga testigo para matukoy kung talagang mga miyembro ng Ajang ajang ng Abu sayyaf group ang mga salarin sa pagsabog matapos na kumpirmahin na ito ng AFP.
Paliwanag ni Banac, kailangan ng sworn statement o affidavit mula sa testigo bago makumpirma na kagagawan nga ng ASG ang pagsabog.
Lahat aniya ng mga impormasyong lumalabas ngayon ay mga leads o ang mga inisyal na impormayson pa lamang pero wala pang direktang ebidensyang magpapatunay na kagagawan ito ng ASG.
Paliwanag ni Banac mas kabisado ng militar ang mga galaw ng bandido, maging kung paano gumawa ng bomba ang mga ito.
Pero hindi aniya maaring ibatay ng PNP ang imbestigasyon sa kung ano ang alam ng AFP.