Mga inilikas na residente matapos makasagupa ng security forces ang grupo ni dating Vice Mayor Mudjasan sa Sulu, hindi muna pinababalik

Hindi pa pinapauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residenteng inilikas matapos magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga awtoridad at ang grupo ni dating Vice Mayor Pando Adiong Mudjasan sa Brgy. Bualo Lipid, Maimbung, Sulu, Sabado ng umaga.

Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Red Maranan, nasa lima hanggang anim na libong residente ang inilikas dahil sa gulo.

Aniya, hindi pa pinapauwi ang mga bakwit dahil nagpapatuloy pa ang kanilang pagtugis kay Mudjasan at kanyang grupo.


Sa ngayon, pinaigting ang checkpoint at chokepoint operations maging ang police visibility sa lugar para sa agarang pagkakadakip sa mga salarin.

Nananatili ring nakataas sa full alert ang status ng Police Regional Office Bangsamoro (PROB) matapos ang sunod-sunod na insidente sa Mindanao.

Matatandaang 16 ang sugatan sa insidente na kinabibilangan ng Special Action Force (SAF) troopers, Armed Force of the Philippines (AFP) at sibilyan habang isang pulis naman ang nasawi.

Facebook Comments