
Nakatakdang isumite ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang initial report ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng flood control scandal mamayang hapon.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kasama sa ipapasang report ang listahan ng mga Department of Public Works and Highways (DPWH) official at contractors na inirerekomenda nilang kasuhan matapos na magsagawa ng imbestigasyon ang kanilang binuong task force sa mga lugar na may isyu sa flood control project na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nadiskubre rin ng NBI na pito hanggang walong contractors ang ‘interlocking’ o pare-pareho at nagpapalit-palit lang ang board of directors kaya wala silang talo sa bidding o kahit sino sa sa kanila panalo para makuha ang proyekto.
Dagdag pa ni Director Santiago na makapaghahain sila ng karampatang mga kaso sa loob ng isa o dalawang buwan matapos ang isasagawang case-buildup ng kanilang ahensya at ng Justice Department.
Samantala, pinaiimbestigahan na rin ng NBI ang ginagawang building ng ahensya sa Maynila.
Nadiskubre kasi nilang, dalawa ang contractors na humahawak sa proyekto at ang parehas na ‘kontratista ay pagmamay-ari ng pamilya Discaya.
Sinimulan umano ang proyekto noon pang 2022 o 2023 ngunit pundasyon pa lamang aniya ang nasisimulan.









