Isinulong ng Makabayan Bloc na maimbestigahan ng House of Representatives ang mga insidente ng hacking at pag-leak ng mga personal na impormasyon mula sa data base ng Department of Education (DepEd), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Ang hirit na pagdinig ay nakapoob sa House Resolution No. 1610 na inihain nina Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel, ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas.
Binigyang diin sa resolusyon na sadyang nakakaalarma na ang serye ng cyber attacks na naglagay sa Pilipinas sa pang-apat sa mga bansa sa buong mundo na bukas sa web threats base sa report ng Kaspersky Security Network.
Giit ng Makabayan Solons, ang reported data breach incidents ay hindi lang naglalagay sa kompromiso sa mga personal data ng iba’t ibang indibidwal kundi nagpapahina din sa tiwala ng publiko at sa pambansang seguridad.
Nakasaad sa resolusyon na mahalagang magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara sa mga nabanggit na mga paglabag sa Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act, at iba pang kaukulang batas upang mapanagot ang sinumang nasa likod nito at mapigilang mangyari uli.