Mga insidente ng pagbabanta ng baril sa mga motorcycle rider o siklista, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Hiniling ng 1-Rider Party-list sa House Committee on Justice and Public Order and Safety na imbestigahan ang mga insidente ng pagbabanta ng baril laban sa mga motoristang naka 2-wheels tulad ng motorsiklo o bisikleta.

Nakapaloob ito sa House Resolution 1231 na inihain nina 1-Rider Party-list Representatives Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita.

Inihalimbawa sa resolusyon ang magkahiwalay na insidente ng pagbunot ng baril ng isang piskal laban sa isang rider at pagbunot din at pagkasa ng baril ng isang dating pulis laban sa isang siklista.


Giit nina Gutieriez at Bosita, hindi maituturing na ‘isolated incident’ ang nabanggit na mga pangyayari na hindi rin dapat palagpasin.

Layunin ng pagdinig na mapanatiling ligtas ang mga lansangan at maproteksyunan ang publiko lalo na ang mga riders mula sa mga indibidual na mapanindak at abusado.

Target din ng pagdinig na matukoy ang mga kailangang pagbabago sa gun regulations o paghihigpit din ng parusa laban sa mga abusadong aktibo at retiradong alagad ng batas.

Facebook Comments