Pinagbabayad ng multa ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang mga Internet Service Provider (ISP) sa magiging epekto ng kanilang isinagawang “emergency maintenance”.
Giit ni Garbin, hindi pwede ang simpleng sorry lamang sa abalang maaaring idulot ng maintenance activity ng submarine cable systems na Asia-America Gateway.
Sinita ng Kongresista ang posibleng epekto ng telecom outage sa public services, banking, financial transactions, online classes, online selling, at E-commerce na gumagamit ng internet services.
Bukod sa naunang isinusulong na rebate sa mga consumers na apektado ay dapat din aniyang magbayad ng multa ang mga ISP dahil libo-libong mga negosyante at estudyante ang apektado.
Matatandaang ilang paaralan sa Metro Manila tulad ng De La Salle University (DLSU), University of Santo Tomas (UST), at Mapua ang nagsuspindi ng online class bunsod ng nasabing advisory.
Tinawag naman ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun na holdap ang hakbang ng mga ISP dahil kahit hindi maayos ang signal ay pinagbabayad pa rin ng buo ang mga consumer taliwas sa pangako ng mga ito na epektibong serbisyo.
Bukod sa mga negosyo at mga estudyante ay ikinakabahala rin na maaapektuhan pati ang trabaho sa gobyerno tulad sa mga livestreamed sessions at hearings ng Kamara at Senado gayundin ang mga provincial board, city council, at municipal council, kasama na rin ang mga virtual press briefing ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF), at Malacanang.
Umapela rin ang mga mambabatas na siyasatin at patawan ng parusa ng IATF ang apat na kumpanya na bigla na lamang nagbaba ng advisory sa kanilang service maintenance na wala man lamang palugit o ilang araw na abiso sa mga consumer.