Mga inutang ng gobyerno pantugon sa COVID-19 pandemic, dapat isailalim sa special audit

Muling iginiit ni Senator Risa Hontiveros na isailalim sa special audit ang mga inutang ng pamahalaan na pantugon sa COVID-19 pandemic kasama ang pambili ng bakuna.

Sabi ni Hontiveros, umaabot na ito sa $14.42 billion dollars o P690.5-billion pero nakakadismaya na wala pa rin ang bakuna.

Pinuna rin ni Hontiveros ang tila nakahintong test, trace and isolate sa harap na patuloy paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.


Sinegundahan ni Hontiveros ang paghahanap ni Senator Panfilo Ping Lacson sa mga COVID-19 vaccines sa kabila ng P126.75 billion na inutang ng gobyerno para dito.

 

Base ito sa datos na nakuha ni Lacson mula sa World Bank, Asian Development Bank, Asian Infrastracture Investment Bank, at Department of Finance.

Ayon kay Lacson, mga donasyong bakuna pa lang mula sa China at Covax ang mayroon tayo kaya paano makakamit ang target ng gobyerno na makapagbakuna ng 450,000 katao araw-araw umpisa sa Abril.

Dahil dito ay hinikayat ni Lacson ang pamahalaan na magpakatotoo o sabihin ang totoo at kilalanin ang tunay na problema para mabigyan ng tamang solusyon sa halip na manakot at magsiwalat ng hindi totoong mga detalye nakakadagdag sa pagkadismaya ng mga tao.

Subalit kung matutupad ito ay nakahanda naman si Lacson na maghain ng resolusyong naglalayong magdeklara kina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. bilang makabagong bayani.

Facebook Comments