Mga investment ng gobyerno sa ecozones, hindi dapat isuko sa pribadong sektor

Tinawag ni Senator Imee Marcos na mapangahas ang patakaran ng mga economic manager ng bansa na ipaubaya na sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng mga economic zone para makahikayat ng mga foreign investment.

Lumabas ang patakarang ito sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ni Marcos ukol sa pagtatayo ng mga bagong ecozones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Saranggani provinces.

Sa pagdinig, nabuking na ang 84 na ecozone sa bansa mula pa noong 2016 ay inisyatiba ng pribadong sektor.


Sinabi rin sa hearing ni Department of Finance (DOF) Policy and Research Director Juvy Datufrato na intensyon ng ahensya na ipakarga o ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno.

Dahil dito, ay nanghihinayang na sinabi ni Marcos na nawawalan tuloy ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho lalo na sa mga malalayong probinsya dahil sa pagtanggi sa mga lokal na pamahalaan na nagnanais na makapagtayo ng ecozones.

Dismayado si Marcos na sa harap ng lumiliit na bayong ng foreign investment sa Pilipinas ay hindi nakitang solusyon ng ating economic managers ang mga ecozone sa panahon na gipit na gipit at kapos sa kita ang gobyerno.

Facebook Comments