Mga ipapadalang Balikbayan Box ngayong holiday season, posibleng abutin ng Pebrero sa susunod na taon

Nagpaalala ang Philippine Ports Authority (PPA) sa publiko na planuhin nang maaga ang pagpapadala ng balikbayan box lalo na ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mainam na ipadala ito nang maaga para masigurong matatanggap agad ng mga kanilang kaanak sa Pilipinas.

Paliwanag ni Santiago, inaasahan na kasing mataas ang volume o dami ng mga ipinapadala ngayong holiday season kaya mahalagang ipadala ito upang maiwasan ang anumang abala.


Tuwing regular na araw aniya ay nasa 45 araw ang tinatagal bago makarating sa bansa pero dahil sa holiday season ay asahan na mas matatagalan pa ito at posibleng umabot pa ng Pebrero bago matanggap ng kanilang mahal sa buhay.

Payo naman ni Santiago, makipag-ugnayan sa mga lehitimong freight forwarders para sa mga update sa kanilang mga ipinadala.

Nagbabala rin ito sa publiko na huwag maniwala sa mga text o tawag na nagsasabing may kailangang bayaran para mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento.

Facebook Comments